Show na tambak ang artista, nirereklamo ng favoritism
SHOWBIZ GANERN! – Gorgy Rula – Pilipino Star Ngayon June 23, 2023 | 12:00am Inalam namin sa ilang staff ng isang weekly show kung ano talaga ang problema sa naturang show at bakit may naririnig kaming reklamo ng ilang artistang mainstay sa programang ito. Meron na raw kasing nag-walk out na at mukhang wala nang […]
SHOWBIZ GANERN! – Gorgy Rula – Pilipino Star Ngayon
June 23, 2023 | 12:00am
Inalam namin sa ilang staff ng isang weekly show kung ano talaga ang problema sa naturang show at bakit may naririnig kaming reklamo ng ilang artistang mainstay sa programang ito.
Meron na raw kasing nag-walk out na at mukhang wala nang balak bumalik dahil sa dismayado na raw ito sa pamamalakad sa show na ‘yun.
Ang dating sa kanila, may favoritism dahil iilan lang daw ang nagagamit, ang iba ay tengga at paminsan-minsan lang lumalabas.
Meron pa raw isang staff sa show na ‘yun na wagas daw kung mamahiya sa ibang artista.
Hindi raw nila ma-take itong staff na tila siya na ang nagku-control ng buong show.
Nagtanung-tanong kami sa ilang staff na maayos naman ang trabaho sa show na ‘yun, kinokontra nito ang isyu ng favoritism.
Paano naman daw nila gagamitin ang ilang performers, wala naman daw silang panahon mag-rehearse.
Hindi kagaya ng ilang mainstays sa show na ‘yun na kahit punung-puno ang schedule, talagang naglalaan daw ng oras para makapag-rehearse. Siyempre ‘yun na ang gagamitin nila dahil sumusunod sa usapang magbigay ng isang araw para sa rehearsal.
Baka nga masyado na silang marami sa show na ‘yun, kaya okay na ring mabawasan sila.
May isang regular sa show na ‘yun na ilang linggo nang hindi mapapanood dahil inisyuhan pala ito ng ‘fat memo.’
Nangyayari naman ito noon pa na kailangan maingat ka rin sa itsura at pangangatawan dahil ayaw naman nilang mapulaan itong pataba nang pataba.
Meron na rin daw na isang artist na magpapaalam na raw sa show na ‘yun dahil hindi na siya masaya.
Susubukan pa rin naming hingan ng pahayag ang ilang executive ng weekly show na ito para malinaw kung ano talaga ang nangyayari sa loob ng studio.
Allan K, tinanggihan ang dobleng TF
Mas mahalaga kay Allan K ang loyalty kahit doble pa ang talent fee na ibibigay sa kanya.
Inamin ng singer/TV host na inalok sila nina Jose Manalo at Wally Bayola ng Jalosjos siblings na magpaiwan sa Eat Bulaga, at dadagdagan ang talent fee nito. Pero mas nanaig sa kanya ang loyalty kina Tito, Vic and Joey.
“’Yun nga. Inu-offer kaming tatlo na dobleng presyo ng talent fee namin,” pakli ni Allan K nang nakatsikahan namin sa nakaraang Media Day ng TVJ at Legit Dabarkads sa TV5.
“Sabi namin, sandali lang po ha? Pag-isipan talaga namin. Hindi ganun kadaling mag-isip. Ano ‘to? Bigyan mo kaming pera, okay na kami? Hindi.
“Give us time to decide,” dagdag niyang pahayag.
Binanggit daw niya ito sa TVJ at napapailing na lamang daw sila.
Pero nung nag-decide na raw sina Tito, Vic and Joey na mag-resign nung May 31, kaagad na nag-decide raw siyang mag-resign na rin at hindi na tatanggapin ang alok ng TAPE, Inc.
“Hindi talaga ako nagdalawang isip. Talagang at the back of my mind, No! Ganun talaga kaagad.
“Kasi, year of the dog ako ipinanganak. So loyal talaga ako. Kung saan sila pupunta, nakasunod ako with wagging tail,” sabi pa ni Allan K.
Masaya na raw siya ngayong balik-Kapatid network siya dahil nagkaroon din naman siya noon sa TV5.
Si Allan K ang isa sa unang host ng Sing Galing. Kaya malay natin baka sa pagbabalik ng Sing Galing ay si Allan K na uli ang host.
Ganundin naman ang gusto ng ibang Dabarkads na nakapag-show sa TV5. Gusto nilang balikan ang nagawa nilang show, kagaya ni Joey de Leon na puwedeng pabalikin ang Wow Mali at Si Ryan Agoncillo naman ang kanyang sikat na talent show dati na Talentadong Pinoy.
Sa July 1 na magsisimula ang noontime show ng TVJ at Legit Dabarkads, at sabi ni Bossing Vic, humble lang daw muna.
Hindi raw totoong gagawin daw sa Philippine Arena ang pilot show.
Sa dalawang studio ng TV5 lang daw sila at pinaghandaan na ito ngayon ng Kapatid network.